Biyernes, Hunyo 22, 2012


Gintong Sandali

Nakatingala sa kalawakan na tila ba naghihintay ng isang bulalakaw na babagsak mula sa kalangitan. Ngunit iba ang pumaimbulog sa himpapawid kundi isang awitin na naghahatid inspirasyon at nagpapaalala. Ito ang awiting Salamat na pinasikat ng Bandang Dawn “Salamat, tayo'y magkasamang muli... Salamat at may gabing nakalaan sa kaunting kasiyahan.”

Kung aanalisahing mabuti ang bawat liriko ng awitin, naghahatid ito ng walang hanggang pasasalamat sa kanyang mga kaibigan. Nagpapaalala rin ito sa nakalipas na nakaraan. Maging maganda man o hindi ang naranasan, nagsisilbing gabay ito upang makatulong at tumatag ang isang samahan.

Bahagi lamang ng pagkakaibigan ang samaan ng loob. Ito nga ang nagiging tulay upang mas tumibay at maging matatag ang tropa. Sadyang hindi maiiwasan ang ganitong bagay pero pagdating pa rin sa huli, pagtutulungan at pagkakaisa ang hangad ng bawat isa. Ang grupo rin ang nagsisilbi mong kaanak at kapamilya na handang sandigan sa oras ng pangangailangan.
May isang grupo ng mga kabataan na nabuo sa munting bayan ng Luisiana, Laguna na hanggang sa kasalukuyan ay hindi napuputol ang pakikipag-ugnayan. Patuloy pa ring nagkikita-kita ang mga miyembro hindi man sa araw-araw kundi sa mga okasyong may kaugnayan sa kanilang pagiging magkakaibigan.

Nagsimula ang lahat ng ito sa isang simpleng lutuan sa harap ng kanilang mga tahanan. Kukuha lamang ng tatlong bato na may katamtamang laki na siyang magsisilbing tungko at maliit na kalderong sapat lamang sa kanilang magkakaibigan ang laman.

Malaya ang mga kabataang ito na gawin ang naisin ng kanilang puso dahil walang pasok kinabukasan. Magkakapitbahay lamang ang mga ito na kapag sabay-sabay lumabas ng kani-kanilang tahanan ang simpleng kawayan, tanguan at ngitian ay nagkakauwaan na. Nagkakaintindihan na sa mga planong gawin.

Nagkakatagpo na sila sa simpleng sopas na walang gaanong sahog na babakasan lamang ng apas ang nagsisilbi nilang pagkain tuwing sumasapit ang gabi ng Biyernes na pinahihintulutan naman ng kani-kanilang mga magulang dahil wala namang masama sa magluto at kumain. 

Sila pa nga ang nagtuturo upang mapaningas ang apoy at maayos na maluto ang kanilang kakainin. Minsan pa nga ang mga nanay na nila ang nagluluto dahil abala ang mga batang ito sa paglalaro ng patintero o pagkukwentuhan. Tsismisan na walang katuturan basta sila ang nagkakaintindihan.
Taong 1993 buwan ng Setyembre nagsimula ang samahang ito ng mga kabataan. Tawanang naghahatid ng kapanatagan sa bawat isa. Nagtutulungan sa paggawa ng takdang-aralin at proyekto sa paaralan. Nagsimula ang grupong ito sa anim (6) na magkakapitbahay na nagsisipag-aral pa lamang noon sa sekondarya na sina Chito Visey, Lorena Estrabo, Mylene Estrabo, Ritchie Quilala, Jon-Jon Buan, at Mazette Rocreo.

Mga kabataang ang tanging hangad lamang ay magkaroon ng simpleng kasiyahan sa simpleng lutuan at gawing kakaiba ang kanilang samahan. 

Hindi nagkakalayo ang tahanan ng bawat isa. Masaya mo silang matatagpuan sa Kalye Roasa na walang pakialam sa sasabihin ng iba. Tipikal na mga kabataan ika nga.


Sa paglipas ng ilang buwan, nadagdagan ang miyembro ng kanilang samahan na hindi rin naman iba sa bawat kabahagi nito. Kadugo naman at nanggaling rin kung saang tahanan sila nagsilaki at nagkaisip.

 Ito ang direksyon ng kanilang mga tahanan sa Kalye Roasa kung saan nakatira ang bawat miyembro:


1. Mula sa tahanan ng mga Visey, kung saan nagsisilbing tagpuan kapag nagluluto ng sopas nakatira ang tatlong magkakapatid na sina Charlene Visey, Charmaine Visey at Chito Visey.
2. Sa kaliwang bahagi naman ng tahanan ng mga Visey nakatira ang tatlong magkakapatid na Estrabo kung saan nagsisilbing ekstensyon sa kanilang paglulutuan. Ito ang magkakapatid na Norilie Estrabo, Lorena Estrabo at Mylene Estrabo.
3. Lumipat ka naman sa kaliwang bahagi ng bahay ng mga Estrabo. Dito nakatira ang solong anak na si Ritchie Quilala.
4. Tumawid naman tayo ng kalsada, matatagpuan naman ang tahanan ng magkakapatid na Buan na sina Jonjon Buan, Jommel Buan, Joel Buan, at Jaysa Buan.
5. Sa kanang bahagi ng kanilang tahanan ang isa pa ring miyembro na si Danlo Correa.

 6. Lumakad muli malapit sa tapat ng tahanan ng mga Estrabo, dito naman ang tirahan ni Liezl Claricia.
7. Lumampas ng isang bahay mula sa bahay ni Liezl makikita naman ang tahanan ng solong anak na si Mazette Rocreo. Sa kaliwang bahagi naman nito ang tahanan ng magkapatid na Ritchie Carmona at Laarni Carmona.

8. Ilang hakbang pa at makikita mo naman ang tirahan ni Mara Domingo.
9. Lumampas ka pa ng dalawa o tatlong bahay mararating mo naman ang tahanan ni Grace Ortañez na sa Kalye Roasa rin nakatira.
 
Masasabing huwaran ang mga kabataang ito dahil hindi sila naliligaw ng landas o sumubok gumamit ng ipinagbabawal na gamot. Kung may nalilihis man, hindi ito pinababayaan ng mga nakatatandang miyembro upang sila ay ituwid.


Aktibo ang lahat sa klase at maging sa akademikong estado ay hindi rin pahuhuli dahil kabilang ang ilan sa kanila na tumatanggap ng medalya tuwing sumasapit ang Araw ng Pagkilala.

           Pinagsama-sama ang barkadahang ito ng mga kabataang nagsisipag-aral sa kolehiyo, sekondarya, at elementarya. Tumatayong ate at kuya ang mga nagsisipag-aral sa kolehiyo na siyang gumagabay sa kanilang nakababatang miyembro o sabihing kapatid.
 
Dahil na rin sa likas na talento ng bawat isa nakabilang ang ilan sa teatro ng Munting Bagyo ng Laguna. Ito ang Teatro Ibabang Nasunog na kinabibilangan nina Sam Igloria, Jason Igloria, Jonathan Igloria, Ruel Orajay, Rosauro Arancel Oscar Ladines, Glenn Española, Joel Bala, Marlon Española, Gilbert Dela Torre at Mark Jones Medina. Naging bahagi rin ang teatro sa samahang puno ng kaligayahan at katuwaan.

Bukod sa mga larong Pilipino na ginagawa, nahaluan ng teatro ang samahan. Naging karaniwan na sa kanilang laruin ang pahulaan na mas kilala sa tawag na Charade. Pinasikat din nila ang Shagidi-Shapopo na pinapanood ng mga dumaraan kung kaya hindi maiwasan ang tawanan at halakhakan.
 
Kung nasisigawan man ng kapitbahay, ngiti at magagandang musika ang kanilang isinusukli. Wala namang napapahamak na tao sa kanilang mga ginagawa sa halip ay simpleng katuwaan lamang ito dahil walang pasok sa paaralan kinabukasan. Suportado naman ng kanilang mga magulang ang mga kasiyahang ito.

Kung nasa loob naman ng tahanan, paborito ring laruin ang Word Factory o Bugles, Scrabbles, Chess, Pekwa at Tong-it.

Biyernes pa lamang pagkatapos ng klase, nagkikita-kita na ang mga kabataang ito pero mas mahalaga sa kanila ang araw ng Sabado kung saan halos hindi mapaghiwalay ang bawat isa. 

Nagsagawa rin ng jogging tuwing umaga at ang pagsimba sa kani-kanilang bahay dalanginan. Napabilang rin ang tropang ito sa samahan ng mga kabataan ang Luisiana Youth Council  for Development Program (LYCDP)  kung saan ang ilang miyembro nito ay naging kaibigan din sa  katuwaan. Dito napabilang sina Allan Revaño, Benjamin Noceja, Mynard Dollano, magkapatid na Russel at Recel Rondilla, Hazel Rondilla, Warren Rodriguez, Jefferson Ona, at nitong sa huli nakasama na rin sa pangkat sina Clifford Condes, Joel Bechaida, Eddie Boy Cuala, Marnie Lorico, Marnie Montalbo, Sabot Rondilla, magkapatid na Ayen at Iya Alizona, Abegail at Carla Mojica, Alyzza Mendoza at Moy-moy Mendoza. May mga okasyong nakakasama rin sa samahan si Cherry Visey, panganay na kapatid nina Chito, Lhynne at Mhynne.

 Sa ilang okasyon nagkakaroon din ng mga bisita ang samahang ito. Kabilang dito sina Ralph Rondila at Nelda Mojica.
 
Iba-iba man ang relihiyon at paniniwala pero ang pundasyong nabuo ay tunay na hindi mapapantayan ng anuman. Mapapansin ring pagkalabas ng simbahan ay muling nagkikita-kita ang grupo upang kumain ng mainit na lugaw sa Pamilihang Bayan ng Luisiana. Gayundin kapag may okasyon, magkakasamang pumupunta sa bahay ng mga kaibigan upang doo’y bumati ng Maligayang Pasko o kaya’y Manigong Bagong Taon

Hindi nakapagtatakang makikita ang mga kabataang ito na pinagtagpo ang Ibaba, Silangan, Arko, at Burol. May iba-ibang kakayahan at talento na siyang karagdagang kasiyahan sa tuwing kakapain na ang kwerdas ng gitara habang nakaupo sa gater habang ang iba naman ay nakasalampak na nakaupo sa kalsada at sumasabay sa tyempo ng tugtugin. 

         Kung aalamin ang mga kakayahan ng mga kabataang ito ay masasabing hindi sila naiiba sa ibang kabataan na may kanya-kanyang interes sa buhay. May mahusay umawit, umarte, sumayaw, nagpapakita ng galing sa sining at maging sa larangan ng pagguhit ay hindi rin pahuhuli. May magaling magluto at batang intreprenyur. 

Aktibo rin ang ilan sa larangan ng teatro gayundin sa relihiyong kanilang kinabibilangan.

Wala kang masasabi sa samahang ito na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa ring nagkikita-kita. Hindi man nakukumpleto ang mga miyembro ng samahan, pero patuloy pa ring nakikipag-ugnayan sa bawat isa.

Kayo ang humusga kung dapat nga silang tularan o hindi. Maaaring puro kasiyahan ang kanilang mga ginagawa. Pumupunta sa mga lugar na malalayo para lamang maipagdiwang ang Christmas Party. Kabilang na rito ang Tagaytay; Guis-Guis, Quezon; Enchanted Kingdom at sama-samang manood ng pelikula sa Kamaynilaan. 

Tunay ring maipagmamalaki ang barkadahang ito dahil lahat sila ay nakatapos ng pag-aaral at popular na rin sa larangang kanilang pinili. May nars, guro, photographer, namamahala ng sariling paaralan, pastor, seaman na kasalukuyang nagtatrabaho sa ibang bansa, businessman, kapitan, manager, midwife, at inhenyero.

Ginto ang bawat sandali sa kanilang pagkikita-kita. Pero hindi mapapantayan ang pundasyong sinimulan ng kagandahang-asal na pinag-isa ng pagtutulungan at pagkakaunawaan.

Iyan ang Saturday Fun Club. Hindi man magkakadugo pero pamilya kung magturingan. Hindi ka iiwan sa oras ng pangangailangan. 

Sa kasiyahan nagsimula pero walang nakakaalam kung kailan magwawakas. Dahil sa kasalukuyan nabubuo na ang susunod na henerasyon ng Saturday Fun Club sa tulong at gabay ng Poong Maykapal.

Sanggunian:
https://www.facebook.com/lovely.red.948
http://www.merriam-webster.com/dictionary/charade
http://www.deltasee.org/CTC/Activity%2029%20Word%20Factory.pdf
http://en.wikipedia.org/wiki/Scrabble
http://www.answers.com/topic/chess


    NoR
*062212*